Ang Hinandang Pasta ni Mama sa Aking Kaarawan
Ang pasta, Carbonara man o Spaghetti-- ito lamang ang pagkain na alam ni mama na lutuin.
Si papa ang nagluluto ng aming ulam araw-araw. Maski tanghalian o hapunan, siya lamang ang makikita mo sa kusina na naghihiwa ng gulay at pagpapakulo ng baboy o isda. Si mama naman, ayun, asa sala nanonood ng kanyang mga paboritong k-drama at c-drama. Bilang lamang ang beses na nakita ko siya sa loob ng aming kusina, hindi para magluto ngunit para maglaba ng aming labahin.
Gayon pa man, makikita mo siyang nagluluto tuwing mahahalagang araw kagaya ng pasko at kaarawan naming magkapatid. Masasabi mong ito ang paraan niya para ipakita ang pagmamahal niya sa amin; sa simpleng pag sikip niya pumasok sa kusina para buksan ang gaas upang pakuluan ang pasta at initin ang Del Monte Italian Sauce. Lahat kami inaasahan talaga ang luto niya kahit hindi man ito kasing sarap ng luto ni papa.
Si mama ang tipong hindi nagpapakita ng pagmamahal gamit ang pagyakap at paghalik. Kaya tuwing kaarawan ko, luto niya ang lagi kong inaasam. Malaki ang halaga nito para sa akin dahil ramdam ko na importante ako sa kanya. Pero alam ba niya ito?
Sa totoo lang, hindi ako ang pinakamabuting anak. Alam ko sa sarili ko na pasaway ako. Minsa’y hindi ko talaga sinusunod ang mga sinasabi nila.
Noon, araw-araw ako lumalabas para gumala kasama ang mga kaibigan ko hanggang sa umuwi ako ng madaling araw. Paminsan-minsan din tumatakas ako at hindi na nagpapaalam dahil alam ko naman na hindi niya ako papayagan. Kahit alam ko na pag-uwi magagalit siya, tuloy ko paring ginagawa.
Sa bawat sandaling kasama ko ang mga kaibigan kong gumigimik at bumabyahe kahit saan-saan, may kagalakan akong nararamdaman na hindi ko naranasan sa aking bahay. Kinasasabikan ko kasi ang adrenaline rush. Tila ito ang isang naging rason para maging masaya ako at magkaroon ng panibagong pangyayari sa buhay ko na para bang paulit-ulit na ang nangyayari.
Hindi ko makakalimutan ang isang beses na umuwi ako ng madaling araw galing sa gimikan. Malapit na ang kaarawan ko noon. Kitang-kita ko sa mata ni mama ang pagkabigo niya saakin dahil alam niya na nalulong ako sa bisyo. Ramdam ko ang kalungkutan niya ngunit nung panahon na iyon, ang mas importante sakin ang sarili kong kasiyahan.
Nag-away kami noong araw na iyon. Pinagalitan niya ako, sumagot ako. Tinaasan niya ko ng boses, tinaasan ko din ang akin. Nagwala siya, nagwala din ako. Maririnig mo sa buong bahay ang boses naming galit na galit.
Marami akong nasabi na masasakit na salita. Isa na doon ang, “Dapat hindi mo nalang ako pinanganak, pinalaglag mo na sana ako.” Ilang minuto palang ang nakalipas, lubhang pinagsisihan ko na ang sinabi ko. Pulang-pula ang mukha niya sa galit tila’y lumabas na ang salita na hanggang ngayon ay malinaw pa rin sa aking isipan, “Oo dapat nga, hindi na lang dapat kita naging anak.” Natapos ang araw na iyon na para bang walang laman ang aking puso’t isipan.
Ilang linggo na ang nakalipas, kaarawan ko na. Ramdam ko parin ang igting saming dalawa. Para bang hindi tama na ipagdiwang ang araw na’to. Dahil sa sinabi niya nung araw na iyon, inaasahan ko na wala na ang pasta ni mama. Bakit pa siya nagpapakahirap magluto para sa anak niyang bastos.
Kinagabihan, kung kelan sabay-sabay na kaming kakain, nakita ko si mama na naglalagay ng mangkok sa aming hapagkainan. Ang laman nito ang munting pasta, Carbonara, aking pinaka-paborito ko. Ngiti ko’y abot hanggang langit at luha ko parang talon sa tuloy-tuloy nitong pagbagsak.
Simula noon, sinubukan ko na magbago. Hindi sa lahat ng araw sarili ko lang ang dapat kong iniisip. Tinatatak ko sa isipan ko na bawat kilos ko posibleng makasakit ako. Sana sa susunod na taon, magluluto parin ng pasta si mama sa aking kaarawan.
Post a comment