Nakakapanibagong Buhay, BORACAY
Isang taon, tatlong buwan, at labing isang araw, alalang-alala ko ang araw na gumising ako na abot langit ang saya. Ito ang araw na pumunta ako sa Boracay. Hinding-hindi ko makakalimutan ang bakasyong ito dahil pagkatapos makulong sa napakaliit na silid ay nakatuklas ako muli ng napakagandang tanawin.
Hunyo 26, 2021, ito ang petsa ng biyahe namin papuntang Boracay. Sa totoo lang wala akong tulog nuong araw na iyon dahil hindi ako makapaghintay na makalabas muli. Sawang-sawa na akong makita ang puting kisame sa kwarto ko. Nais ko na makakita muli ng napakataas na puno at makaamoy ng napakabangong simoy ng hangin. Hindi ako binigo ng Boracay dahil ito nga ay isang napakagandang lugar. Sulit ang paghihintay ko kahit saglit lamang kami. Hinding-hindi maihahambing ang kasiyahan na naramdaman ko dito kumpara sa aking tahanan.
Ang pagpunta ko sa Boracay ay isang karanasan na bumago sa aking buhay. Napagtanto ko na hindi talaga natin alam kung kailan ang wakas ng lahat kaya kung maari lang ay subukan natin na mabuhay na walang kinatatakutan. Hinamon ko ang sarili ko na subukan ang mga bagay na hindi ko pa naranasan. Ilang beses ako tumalon sa pinakamataas na bangin. Naranasan ko din na lumipad na parang saranggola. Ngunit ang pinaka tumatak sa aking isipan ang mga panahon na tinanggal ko ang suot kong life vest sa gitna ng dagat at tumayo sa bangka. Hinayaan ko lang dumaloy ang katawan ko kasama ng dagat. Hindi man ito kasing lala ng iba kong ginawa sa Boracay pero ito ang nagpaparamdam sakin na buhay na buhay ako. Bawat sigundo para bang unti-unti gumagaan ang loob ko. Naramdaman ko na para isa akong panibagong tao. Dito ko natutunan ang kahalagahan ng kapayapaan at katahimikan. Na hanggang ngayon sinusubukan kong gawin ang mga prinsipyong ito araw-araw.
Walang tiyak na petsa kung kailan mararanasan ko ito muli. Hindi ito parang dati na kung kailan ko lang gusto lumabas ay maaari ko gawin. Buhay ko at ng pamilya ko ang nakataya dito. Kahit gusto ko man lumabas at magpakaraya, hindi ko magagawa. Sa susunod na lang siguro, kung maayos na ang lahat. Sa ngayon, susubukan ko nalang isabuhay ang aking mga alaala at gamitin ang mga aral na natutunan ko.
Post a comment