Ngiting Nawawala
Sa labing walong taon, saan ako nagkamali?
Bakit biglang naglaho ang mataos na ngiti?
Naglaho sa isang pitik
Gayon huwaran ang pumalit
Hindi ko mapalagay kung ano nga ba ang sanhi
Malala ba ito na tila ang solusyon lamang ay ilibing?
Nagiging talon ang mata, bawat subok alalahanin
Ang mga rason kung bat hanggang ngayon hindi nakangiti
Dahil ba nung aking kabataan?
Noong ramdam ko ang init ng galit nila
Bawat palo, bawat sigaw
Bawat parusa at pagpapalayas
Pitong taon palang
Ngunit laging puno na ang isipan
Mga rason kung bat hindi kamahal-mahal
Dahil ba nung aking pagbibinata?
Naninibago, hindi pa alam kung ano ang nararapat
Kaya buhay parang ang saya paglaruan
Labing lima pa lamang
Pinapabayaan na ang sarili maimpluwensya
Upang makibagay sa kakaibang mundong nakita
Hindi na malaman ang gusto; bawat bagay nais subukan
Nagpapasaya man, ngunit hindi pangmatagalan
Unti-unti pagkatao ay nakakalimutan
Dahil ba sa kasalukuyan?
Biglang napagtanto ang mga dahilan kung bat nasira ang buhay
Hindi mapakali dahil ang isipan ay busog sa memorya na pinagsisisihan
Hindi mapakali para bang buong buhay nasayang
Nahihirapan na huminga
Pagka’t pagod na pagod na emosyonal man o pisikal
Nawawalan na ng pagasa
Kaya kinakaladkad na lang ang sarili araw-araw
Gusto man maglaho ngunit ang dulo ay kinakatakutan
Sa labing siyam na taon,nahanap na ba ang ngiti?
Napagtanto na ba na sarili lamang ang hinihintay
Na tanggapin ang sarili
Na maunawaan na ang mga nangyari ang dahilan
Kung bat ngayon ay susubukan
Umahon muli para makamit sa huli
Ang pagkataong kamahal-mahal
Ang akong handang magmahal
Post a comment